Tulad ng Ibon
tulad ng ibon na hanap ay puno,
sa iyo kami dumapo at sa iyo ay ipinagdasal
ang buhay na malayang magmahal
pagkat kami ay nagmamahal din
kahit ipinagbawal mo'y pinipilit namin
hangad ng lipunan kami ay supilin
dahil larawan kami sa katotohanang lihim
ako ay nagagalak na ika'y makilala
makausap sa puso, makapiling ng malaya
ang oras na ginugol mo sa akin ay mahalaga
katulad ng pag-ibig na alay ko sinta
sa bawat patak ng luhang may dangal
sangkap nito'y pagdurugo mula sa pusong hangal
kahit ikaw ay di dapat mahalin,
ako'y iyong pinahalagahan at pinansin.
ang mga huni ng ibon, hanggang dito na lamang,
sa hawlang asul sila ay nilinlang.
hayaan na lamang at nawa'y pakinggan
ang sigaw para sa pagmamahal, na sila'y tinanggalanDama
Ang wari ng mura kong isipan,
ang pintig ng puso at ang nilalaman...
Tanging ang katotohanang iyong pinapadama,
na ako sa puso mo ay mahalaga.
Haplos ng kamay mo sa aki'y dumampi,
tamis ng halik mo'y pilit na hinihingi.
Init ng yakap mo'y muntik ng maangkin,
lahat nito'y iniukit ko na lamang sa hangin.
Sa bawat araw na tayo'y magkasama,
takot at ligaya'y aking nadarama.
Takot mula sa mundo nating mapanlinlang,
at ligaya mula sa pusong alam kong nagpalinlang.
Hanggang kailan ba dapat tayong ganito?
Kailan natin makakamtan ang tunay na pagbabago?
Init ng hawak mo'y kailan ko mararamdaman
at tamis ng halik mo kailan ako madampian?
Patuloy kitang iibigin, patuloy kitang pakikiramdaman.
at nawa'y tinitibok ng puso ko'y iyong maramdaman.
Ligaya'y di matumbasan makapiling ka lamang,
at kahit sandali'y maging akin ka lang.
Hawak Na Buhangin
Sa aking paglalakad, mura kong isipan ay namulat,
at sa mga butil ng buhangin pag-iisip ko'y nabuklat.
Nabuksan ang aking puso sa isang ganap na katotohanan,
na ang pag-ibig na ito'y mayroon ding hangganan.
Sa baybayin ng dagat mga buhangin ang nakikita,
sa bawat hinagpis ng tubig ito ay nahahasa.
Anong pilit kong mahawakan sa musmos na mga palad kong ito,
buhangi'y nadudulas at nahuhulog ng husto.
Dahil nais mapasa-akin, pagkahawak ay binigyan ng lakas,
ang buhangin ay dahan-dahang nauubos at nagpupumiglas.
Huwag mong idiin, buhangin ay maiiwan din,
Ngunit mga kamay ko'y naging iyong mga alipin.
Ganyan nga ba ang pag-ibig pag iyong ipinipilit,
lalo itong aaklas, at sa sakit ay mamimilipit.
Huwag mong ialay kusa itong kukunin,
pag iyong ibinigay ito'y kusa ring lilisanin.
Ang pagmamahal na ito ay aking maihahambing,
sa mga palad kong ito na may hawak na buhangin.
Nalilito ang isip ko kung ano ang dapat isagawa,
hahawakan, ididiin, o bibitawang bigla?
No comments:
Post a Comment